Napatingin ako sa buwan kanina..namangha ako at napatitig sa kakaibang ningning ng mga bituin sa paligid nito, parang mga bata na ginagabayan ng isang pagkalakas-lakas na tao. Siyempre tatay ko ang naalala ko. Marami kasi akong natutunan sa buhay dahil sa kanya. Iminulat niya ako sa iba't - ibang bagay.
Sabi nga ni Tatay..
1. Lagyan o samahan mo ng pagmamahal ang lahat ng mga bagay na ginagawa mo. Ikaw kasi ang unang magmamahal sa sarili mo at unang tatanggap dito. Saka sigurado daw na lahat ng mga bagay na gagawin mo ng may pagmamahal walang duda maganda ang kakalabasan. Super agree! Kaya kahit pagkapangit-pangit ng gawa ko basta alam kong I made it with love naaappreciate ko na.
2. Huwag magsumbatan. Huwag magbilangan. Di kasi maiiwasan na sa mga bagay na gagawin natin, yun bang mga pinagpaguran ay isumbat sa iba. Kaya nga pag nagaaway-away na kami dati sa mga gawaing bahay si tatay ang gagawa at mahihiya na lang kami. Sasabihin na lang niya yung linya niya na wag na kayong magturuan yung mga bagay na ginagawa nyo wag nyong isumbat. Dapat gawin ang mga bagay na may kusang loob, walang pagaalinlangan.
3. Magmahalan kayo. Sa tuwing may tampuhan kaming magkakapatid sasabihin ni tatay kayo-kayo na lang magkakapatid magaaway pa kayo.
4. Maganda ka. Maniwala ka. haha :) Kaya kahit ano pang sabihin ng iba alam ko at alam ng mga kapatid kong katangi-tangi ang bawat isa sa amin. Hindi kasi nagkulang sila tatay na iparamdam kung gaano kami kahalaga.
5. May dahilan ang bawat nangyayari. Kung may nangyayari man sayo ngayon may dahilan yan. Mas malaking dahilan higit pa sa inaakala mo.
6. Lahat may kabutihan. Kahit pa siguro pagkasama-samang tao may kakaunting kabutihan. Kaya sabi ni Tatay lagi naming tignan yung mga mabubuting bagay na ginawa samin hindi yung masama.
7. Wag magtanim ng sama ng loob. Sabi niya kami rin naman ang magdadala nun. Kanya-kanya nating burden kung sakaling magtanim tayo ng sama ng loob.
8. Pag wala, wala. Pag meron, meron. Makontento daw kami kung anung meron kami. Pahalagahan ang mga bagay na nasa amin.
9. Maging masaya ka. Kung anu daw ang magpapasaya samin gawin namin basta alam namin ang limitasyon.
10. Magpakatotoo ka. Walang masama sa pagpapakita ng tunay na sarili.
Tumawag minsan sila nanay at pinakausap sakin si Tatay. Sabi niya, " Oh kamusta na kayo dyan?" Gusto ko sanang magsumbong kaso ayokong dumagdag sa mga iniisip niya. Sabi ko ok lang kahit na naiiyak na ko dahil sakto yung tawag nila nanay dahil marami akong iniisip. Hindi ko alam pero alam kong kahit malayo nararamdaman kami ni Tatay. Isa sa mga itinuturin kong hiwaga ng buhay.
Si Tatay ang buwan sa buhay namin ang nagbibigay liwanag at gumagabay sa aming mga bituin. Siya ang nagpapakinang samin gabi-gabi. Ang nagbibigay liwanag sa madidilim na parte ng buhay namin. Kaya basta sabi ni tatay..susundin namin dahil siya ang aming gabay..
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento