Hindi
naman ako mukhang katiwa-tiwala pero dahil maaga akong pumasok nung nasa elementarya pa ako, kaya ako ang tagahawak ng
susi ng room namin. Grade six ako noon, lagi akong huling umuuwi
at unang pumapasok.
Naging teacher’s pet ako dahil sa
pagiging early bird ko. Kaya kung may gagawin man ang adviser ko na si Ma’am
Crema napapatulong ako ng di oras. Taga-rewrite ako ng mga sinusulat niya na
ibinibigay niya sa principal namin. Tuwang-tuwa ata siya sa cursive handwriting
ko o baka tinatamad lang, kasi pati Form 137 namin ako na ang nagsusulat kahit
na napakaimportante nun. Siyempre proud
na proud naman ako kahit masakit na ang mga kamay ko.
Sabi niya pa “Wag kang magtiteacher ah
alam mo na yung mga gawain!” Hindi ko man pinangarap nandito na rin ako ngayon.
Marami pa kaming pinagsamahan kaya mas minahal ko pa siya hindi lang bilang
isang guro kung hindi isang ina na rin. Nahilig ako sa Science at English dahil
magaling siyang magturo. Nasa utak ko pa yung luma niyang chart na may drowing
ng “Circulatory System” kaya pag dating ko ng high school interesado na ko sa
biology alam na alam ko na kasi kung paano gumagana ang puso ko.Competent
talaga siyang teacher siya pa nga ang may hawak ng school paper namin kaya
madami talaga siyang ginagawa. Marami akong natutunan sa kanya.
May isang araw na aligaga siya sa mga
gawain. Kaya ipinadikta niya sa akin yung answer key ng isang mahabang exam na
puro letra lang naman. Nakakunot talaga ang noo niya. Noon ko lang siya
nakitang ganoon kasungit. Nang simulan ko na ang pagdidikta ng mga sagot
nabubulol ako sa takot. Nanginginig pa nga ang aking mga tuhod. Sa bawat mali
kong pagdikta sorry ako ng sorry sa kanya. Nagulat na lang ako ng bigla siyang
tumayo at sumigaw..
“Anu ba! Nasa honor ka ba talaga o kabisote ka
lang!”
Wala na tumulo na..tumulo na ang mga
luha kong kanina ko pa pinipigilan. Ngayon lang ako nasigawan ng isang guro.
Iniwan ko ang susi at umuwi. Hindi na ko pumasok kinabukasan.Hindi ko na
maalala kung paano kami nagkabati. Ang alam ko lang sumama talaga ang loob ko
paborito ko kasi siya. Alam ko namang nararamdaman niya.
Bumalik naman kami sa dati. Naging mas
matibay pa nga ang samahan namin. Alam na alam ko ang kwento ng buhay niya na
lagi niyang ikinukwento pagdalawa na lang kami. May isa siyang anak at wala na
ang kanyang asawa. Namatay daw dahil sa komplikasyon sa kidney. Mas lalo ko pa
siyang hinangaan ng nalaman kong dinonate niya ang isa niyang kidney para sa
asawa niya. Nakakalungkot na namatay din
ito makalipas ang isang taon. Ganoon siya katapang. Isa siya sa mga taong
tinitingala ko.Kaya nga kahit high school na ko tuwing June 24 bumabalik ako sa
kanya para batiin siya sa kaarawan niya.
Pagnahihirapan ako sa mga gawain ko
ngayon iniisip ko siya. Kung gaano siya katatag sa mga nangyari sa kanya.
Iniisip ko na lang na maliit pa yung mga problema ko. Marami pa kong
mararanasan. Marami pa kong batang matuturuan. Isang mahaba pang
pakikipagsapalaran.
Nakakatuwang sa paglalakbay ko may
nagpakrema dito..ang nagpaputi sa kape ko..nagpasarap..nagpaliwanag sa isip
ko..
- Namiss
ko si Maam Daisy Bago Crema. Nakikibalita nga daw siya kay nanay nagulat nang
malamang naging teacher din ako.
- Epekto iyo ng dalawang tasang kape. Sana makatulog na ko. Goodluck!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento