Ano nga bang bumubuo sa buhay mo? Ang nagpapatibay sa pagkatao mo?Maliban sa pamilya ko may mga espesyal na taong kumukumpleto sa katawang lupa ko. Hindi ako matapang pero may mga matatapang na mukha akong kaibigan na nagpapalakas ng loob ko araw-araw, mga taong humuhubog sa pagkatao ko ng di nila alam.
Ilang araw na lang ang lilipas malapit na ang araw na siguradong ikalulungkot ko, yung araw na hindi ko na sila makikita araw-araw. Yun yung mga araw na siguradong wala na kong maririnig na tatawag saking Dirty,Gunggong,Chuchay,Aphrodirty, at iba pang bansag. Wala na kong mahahampas,makukurot,masasabunutan,makukwentuhan,maiiyakan.matatawanan,aasarin,at aawayin. Yung magsisimula ulit akong ako magisa, simula ng pagiging tahimik. Dumating na naman ako sa puntong kinatatakutan ko. Minsan natatakot na kong magmahal ng mga bagong tao, kasi alam kong dadating ang araw na maghihiwalay din kayo. Hindi na magiging tulad ng dati. May makikilala ka at may makikilala sila mahihirapan na kayong magsama-sama. Ang magagawa mo na lang alalahanin ang mga masasayang tagpo na pinuno ng kasiyahan dahil magkakasama kayo. Nakakatuwa pero nakakapanghina. Yung kasi yung mga pagkakataong gustong-gusto ko ulitin, yung mga tawanang nakakasakit tyan at panga kahit may mga nagaaway na sa sobrang asaran. Kahit ilang estudyante pa nga siguro ang manginis sayo kung andyan naman ang mga kaibigan mong handang magpatawa sayo mabubuo ang araw mo. Hindi ko alam kung alam nila na ganyan ang epekto nila sakin, pero sana nararamdaman nila sa bawat hampas ko kurot man o sabunot. Sa bawat pananakit na yun gusto kong sabihin, "Salamat binuo nyo na naman ang araw ko! Mahal ko kayo!"
Malalapit lang naman ang mga bahay namin ilang sakay lang,isang text lang, isang message lang sa fb pero iba pa din yung nasa isang faculty kayo na parang magkakapatid. Nagiging tahanan kasi ang faculty room kung saan andun ang pagmamahal, ang pagtanggap at pagkalinga. Hindi ko alam kung paano. Pero hindi ko gagawin ang pagpapaalam sa inyo, sa mga bumuo sa buhay ko. Kukulitin ko pa rin kayo kahit magkakahiwalay na tayo, na sana pansinin nyo. Iba-iba tayo ng landas, pero pipilitin kong laging dumaan sa inyo para maalala na minsan nagsama-sama tayo. Salamat sa mga pangaasar kung di naman dahil dun wala tayong pagtatawanan at walang mga bagong salitang mabubuo na tanging mga katangi-tanging tao lamang ang makakaintindi. Maghiwa-hiwalay man hindi naman yun ang huli, dahil walang katapusan ang pagmamahal at yan ang lagi kong mararamdaman.
Yes I'm proud to be Dirty!
Salamat sa pagbuo sa buhay ko.
Salamat sa pagiging parte nito :)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento