Linggo, Agosto 24, 2014

8:26 pm

Si Ian..yung absent ng isang buwan..

“Ma’am nandyan na po yung bago naming klasmeyt!” Bungad ng isang estudyante ko habang papasok ako ng klasrum nila. “Sino?” sabi ko.Si Ian po yung isang buwan ng di pumapasok”.
Nilapitan ko siya. Isang maliit na maputing bata na parang di pa ayon ang edad bilang grade 8. ”Bakit ngayon ka lang pumasok?” pagtatanong ko. Takip-takip niya ang bibig niya ng bimpo habang sinasabing, “Wala po akong baon.”
Ayoko namang sabihing wala ka lang baon di ka na pumasok? Gusto ko sanang sabihing mula elementary hanggang high school naglalakad kaming magkakapatid papasok sa skul kahit walang baon. Kaya mababaw lang na dahilan sakin yun. Pero di naman dapat husgahan lahat dahil sa kakatiting na sagot nya. Syempre di ko na sinabi yung nasa isip ko. Sabi ko na lang papuntahin nya magulang nya para makausap ko.
Kinahapunan dumating ang nanay nya. Isang magandang ina, yung para bang mayaman pa kasama yung kapatid ni Ian na kutis mayaman din. Nakakapagtaka ang dahilan nya kasi walang baon pero mukha silang mayaman. Pero kailangan talagang marinig muna ang istorya. Sabi niya pasensya na po marami lang naging problema.
Noong nakaraan po pabalik-balik sa ospital ang tatay niya. Kaya kinulang talaga kami sa pera. Hindi nga po nakayanan ng tatay niya binalak pong magpakamatay. Nakita na lang po naming nakabigti. Buti na nga lang po nakita ko po agad at tinulungan kami ng kapitbahay.
Nanlumo ako sa kwento. Buti na lang di ko talaga nasumbatan yung bata. Hindi lang naman pala baon ang problema mas malaki pa.
Ilang araw ang nakaraan lumiban ulit sya sa klase at dahil malapit lang ang bahay nila sa skul pinuntahan ko na. Nakilala ko ang tatay nya na tulad ng nanay nya mukhang mayaman din. Marahil di talaga sila sanay sa hirap ng buhay kaya naisip nyang magpakamatay. Ang asawa niya kasi nagtatrabaho dati sa division office ng Manila at dahil lumipat sila nagresign na sya. Balak niyang lumipat dito pero dahil nga sa mga nangyari di na nya nagawang asikasuhin ang trabaho.
Tumalikod ang tatay niya nung makita ako. Nahiya siguro dahil alam niyang alam ko yung kwento.
Sabi ko na lang sa nanay nya bakit absent po ulit si Ian? Maam 50 pesos na lang po kasi ang pera ko dito pinapili ko sila kung ipangkakain na lang ba namin o ibabaon nila sa skul. Kaya di po sila nakapasok.
Tanggap na raw sa trabaho ang tatay nya. Kaso sa pamasahe at pangkain kinukulang sila. Di ko na talaga kaya. Nagpaalam na ko at inabutan ang nanay nya kung anu mang halaga na nasa aking bulsa.
As usual nagmoda na ko sa jeep. Naiyak na ko. Naalala ko lang yung high school days naming magkakapatid.  Pinaka-ironic na naranasan namin ay wala kaming ulam kanin lang at asin pero may chocolate kisses kami galing sa tito ko. Natatawa kami pag naaalala to. Pito kasi kaming magkakapatid at dahil si nanay di pa marunong magbudget kinukulang yung sahod ni tatay. Umaabot kami sa puntong yun. Ok lang maglakad, kahit pa walang baon. Sinanay kaming pumasok hindi lang dahil sa baon kung hindi para matuto. Pagnaaalala ko yung mga napagdaanan namin humahanga ako kay tatay.
Kasi di niya naisip sumuko.  Magbigti o kahit anu man. Maswerte talaga ko. Mas naaappreciate ko lalo ang buhay ko dahil sa kwento ng mga batang to.
Araw-araw nagaabang na ko ng bagong istorya. Yun bang pang maalaala mo kaya ang tema. Napupuno ang isip ko..kakaisip sa mga batang to. Sana  lang makatulong ako.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento