Sabado, Hunyo 21, 2014


First Week!  I’m Weak!

Welcome to the world of fantasy! sabay ngiti ng isang wirdong guro sa bagong pinapasukan kong eskwelahan. Sa isip ko welcome ka pa diyan eh halata namang sarkastiko yung pagkakabanggit mo ng welcome. Tono kasi iyon ng pananakot. Mabait naman siya mukhang inihanda nya lang ako sa mga pwede ko pang makita. Nagtagumpay siya busog na busog ako sa mga bagong bagay.

Mapeh Faculty
            Naupo ako sa pansamantala kong pwesto sa paaralang ito. Nagliwanag ang mata ko ng may marinig ako. Nagpatugtog yung isang Mapeh teacher. Nakalimutan ko na kung anung kanta ang alam ko lang pare-pareho kami ng genre. Kumanta siya. Kumanta sila. Ang saya-saya ko kasi dito maiintindihan yung topak ko. Kahit kumanta ako ok lang kasi lahat naman nasisiyahan. Ang sarap. Parang cake at ice cream. Parang gummy bears. At parang dutchmill. Busog na ko sa musika pa lang na naririnig ko. Nagpalungkot lang sa akin ang ideyang pansamantala lamang ito. Lilipat din naman ako. Kaya nagbasa na lang ako. Salamat Paulo Coelho.

Sige Tadyak Pa!
            “Sige tadyak pa!” gusto kong sabihin sa isang matandang guro na tinatadyakan ang mga estudyante niya. Natakot ako sa gurong iyon kaya ng makita ko siya sa faculty namin nagtulog-tulugan ako. Ewan ko ba sa sobrang takot parang ako’y naiihi na. Ang swerte ko. Siya na lang ang natira wala na akong choice pa. Sabi ko “ Maam saan po pwede umihi?” Sabi niya, “ Sa new building samahan na kita.” Ininterview na niya ako. Nalaman niyang taga Dasma ako. Natuwa naman siya sabi niya, “ May bahay ako dun ah!” Pinagipunan niya daw iyon. Pag nagretiro daw sya doon siya titira. Napatanong ako, “Sino pong kasama ninyo?”
“Ako lang mag-isa,” sabi niya.
Isa pa la siyang matandang dalaga.

Ang Ahas Sa Ating Ulo
            Sa isang seksyon na tinuturuan ko naging interesado ako sa dalawang babae dito. Muslim kasi sila. Kaya sila yung kakaiba. Pag nagiikot ako humihinto ako sa harap ng dalawang ito, syempre para magtanong ng ilang bagay na bumabagabag sa isip ko. Unang tanong ko anung pangalan nyo? Yung isa si Janisa..at yung isa si Safria Sophia..Sabi ko bakit puro sa “a” nagtatapos ang pangalan niyo? Kasi daw pagisinalin nila sa Arabic mamamali na pag walang “a” as in yung “a” sound sa araw. Natuwa naman sila sa pagtatanong ko at isinulat ang pangalan ko sa Arabic. Ang astig. Right to left pa sila magsulat. May edad na din sila para sa grade 9..yung isa kasi 16 yung isa 17. Nagaral na daw dati sila dito pinaranas lang daw ng magulang nila ang pagaaral sa Mindanao kaya sila lumipat doon. Mas magaaral daw silang mabuti ngayon dahil ang hirap daw ng buhay doon. Ang lalayo daw ng paaralan kaya dito na nila pagiigihan. Humanga naman ako sa kanilang magulang.
            “Bawal bang tanggalin yang nasa buhok nyo? Tumungo ang dalawa. Ipinaliwanag ng panganay na sa paniniwala nila pag tayo daw ay namatay ang bawat hibla ng buhok natin ay magiging ahas. At ang masaklap pa tutuklawin daw tayo nito. Bawal na bawal din daw makita ng lalaki. Sabi ko siguro dahil nagdudulot ito ng  “lust”. Mukhang naguluhan sila sa “lust” at di na sumagot.   Naaaliw ako sa kanila. Ang dami kong nalalamang kakaiba.

Chinese Mandarin Room
            Pag napapadaan ako dito napapasilip ako. Iniisip ko sino kayang nagtuturo dito? Gusto ko rin kasi sana makisali pag vacant ko. Isang araw nasagot ang tanong ko. Pumunta ako sa Principal’s office para magpapirma kaso wala si sir kaya naisip kong maghintay muna. May isang Chinese na babaeng nakaupo sa waiting area. Sabi ko miss may nakaupo  ba? (habang tinuturo ko yung upuan sa harap niya may pagkain kasi eh baka may nakaupo) kaso nadeadma ako. Nakatingin lang siya sa mukha ko. Nagklase na ko ng ilang oras. Pagbalik doon nakangiti na yung Chinese habang kinakausap yung ibang teacher. Gusto ko sanang kutusan ang sarili ko. Hindi ko man  lang naisip na di siya nakakaintindi ng tagalog. Ang bobo! Akala ko masungit. Tatanga-tanga lang pala ako. Kung kailan kailangan mag-English di ko nagawa. Di ko naman kasi naisip dahil sa huling alaala ko ng pakikipagusap sa isang Intsik. Ngayon hina-hunting ko siya. Makita ko lang talaga siya magisa kakausapin ko na siya. Sana magawa ko to bago pa ko mailipat.

5:06 pm - 5:59 pm
June 21, 2014




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento