Lunes, Hunyo 23, 2014



"Horizon"

Tumingin ka sa malayo
Langit at lupa'y magtatagpo
Kahit anu pang daan iyon
Pag-ibig ay matutunton

Malayo man ang agwat nila
Tumingin ng diretso ito'y makikita
Akala mong imposible noong una
Ngayo'y magkasama na


       Napapagod ako sa pagakyat sa pangatlong palapag ng isang building sa school..pero pag naiisip ko kung anung makikita ko pagtapos ng napakataas na akyating ito..nawawala ang pagod ko. Pagdating sa klasrum ng III- Barium magmomoda muna ko sa labas ng kwarto nila..kunwari ayoko lang pumasok dahil maingay..pero ang totoo naeenjoy ko ang view sa labas..yung sobrang hinahangin ang buhok ko at kitang-kita ang mga tao sa baba..feeling ko third person omniscient ako sa isang story na kaya kong ikwento ang mga nangyayari sa baba..pero may mas higit pang tanawin dito..sa mga ganoong oras ko gusto huminto ang bawat segundo..ang nakamamatay na sandali..ang nakakamatay na langit at lupa..ang punto ng pagtatagpo..na akala natin sa una'y malabo..

Sabado, Hunyo 21, 2014


First Week!  I’m Weak!

Welcome to the world of fantasy! sabay ngiti ng isang wirdong guro sa bagong pinapasukan kong eskwelahan. Sa isip ko welcome ka pa diyan eh halata namang sarkastiko yung pagkakabanggit mo ng welcome. Tono kasi iyon ng pananakot. Mabait naman siya mukhang inihanda nya lang ako sa mga pwede ko pang makita. Nagtagumpay siya busog na busog ako sa mga bagong bagay.

Mapeh Faculty
            Naupo ako sa pansamantala kong pwesto sa paaralang ito. Nagliwanag ang mata ko ng may marinig ako. Nagpatugtog yung isang Mapeh teacher. Nakalimutan ko na kung anung kanta ang alam ko lang pare-pareho kami ng genre. Kumanta siya. Kumanta sila. Ang saya-saya ko kasi dito maiintindihan yung topak ko. Kahit kumanta ako ok lang kasi lahat naman nasisiyahan. Ang sarap. Parang cake at ice cream. Parang gummy bears. At parang dutchmill. Busog na ko sa musika pa lang na naririnig ko. Nagpalungkot lang sa akin ang ideyang pansamantala lamang ito. Lilipat din naman ako. Kaya nagbasa na lang ako. Salamat Paulo Coelho.

Sige Tadyak Pa!
            “Sige tadyak pa!” gusto kong sabihin sa isang matandang guro na tinatadyakan ang mga estudyante niya. Natakot ako sa gurong iyon kaya ng makita ko siya sa faculty namin nagtulog-tulugan ako. Ewan ko ba sa sobrang takot parang ako’y naiihi na. Ang swerte ko. Siya na lang ang natira wala na akong choice pa. Sabi ko “ Maam saan po pwede umihi?” Sabi niya, “ Sa new building samahan na kita.” Ininterview na niya ako. Nalaman niyang taga Dasma ako. Natuwa naman siya sabi niya, “ May bahay ako dun ah!” Pinagipunan niya daw iyon. Pag nagretiro daw sya doon siya titira. Napatanong ako, “Sino pong kasama ninyo?”
“Ako lang mag-isa,” sabi niya.
Isa pa la siyang matandang dalaga.

Ang Ahas Sa Ating Ulo
            Sa isang seksyon na tinuturuan ko naging interesado ako sa dalawang babae dito. Muslim kasi sila. Kaya sila yung kakaiba. Pag nagiikot ako humihinto ako sa harap ng dalawang ito, syempre para magtanong ng ilang bagay na bumabagabag sa isip ko. Unang tanong ko anung pangalan nyo? Yung isa si Janisa..at yung isa si Safria Sophia..Sabi ko bakit puro sa “a” nagtatapos ang pangalan niyo? Kasi daw pagisinalin nila sa Arabic mamamali na pag walang “a” as in yung “a” sound sa araw. Natuwa naman sila sa pagtatanong ko at isinulat ang pangalan ko sa Arabic. Ang astig. Right to left pa sila magsulat. May edad na din sila para sa grade 9..yung isa kasi 16 yung isa 17. Nagaral na daw dati sila dito pinaranas lang daw ng magulang nila ang pagaaral sa Mindanao kaya sila lumipat doon. Mas magaaral daw silang mabuti ngayon dahil ang hirap daw ng buhay doon. Ang lalayo daw ng paaralan kaya dito na nila pagiigihan. Humanga naman ako sa kanilang magulang.
            “Bawal bang tanggalin yang nasa buhok nyo? Tumungo ang dalawa. Ipinaliwanag ng panganay na sa paniniwala nila pag tayo daw ay namatay ang bawat hibla ng buhok natin ay magiging ahas. At ang masaklap pa tutuklawin daw tayo nito. Bawal na bawal din daw makita ng lalaki. Sabi ko siguro dahil nagdudulot ito ng  “lust”. Mukhang naguluhan sila sa “lust” at di na sumagot.   Naaaliw ako sa kanila. Ang dami kong nalalamang kakaiba.

Chinese Mandarin Room
            Pag napapadaan ako dito napapasilip ako. Iniisip ko sino kayang nagtuturo dito? Gusto ko rin kasi sana makisali pag vacant ko. Isang araw nasagot ang tanong ko. Pumunta ako sa Principal’s office para magpapirma kaso wala si sir kaya naisip kong maghintay muna. May isang Chinese na babaeng nakaupo sa waiting area. Sabi ko miss may nakaupo  ba? (habang tinuturo ko yung upuan sa harap niya may pagkain kasi eh baka may nakaupo) kaso nadeadma ako. Nakatingin lang siya sa mukha ko. Nagklase na ko ng ilang oras. Pagbalik doon nakangiti na yung Chinese habang kinakausap yung ibang teacher. Gusto ko sanang kutusan ang sarili ko. Hindi ko man  lang naisip na di siya nakakaintindi ng tagalog. Ang bobo! Akala ko masungit. Tatanga-tanga lang pala ako. Kung kailan kailangan mag-English di ko nagawa. Di ko naman kasi naisip dahil sa huling alaala ko ng pakikipagusap sa isang Intsik. Ngayon hina-hunting ko siya. Makita ko lang talaga siya magisa kakausapin ko na siya. Sana magawa ko to bago pa ko mailipat.

5:06 pm - 5:59 pm
June 21, 2014




 “ Marka ng Pag-ibig ”

Kinagat ako ng aso
Tila ba wala ng lunas dito
Malalim at masakit
Puno ito ng pait

Ang nakamamatay na laway nito
Ay dumadaloy na sa dugo ko
Wala na kong magawa
Nanghihina na at namumutla

Maaaring malalala na ang epekto nito
At magdulot ito ng pagkabaliw ko
Kahit turukan pa siguro ng gamot
Ang sakit nito’y di na malilimot

Ang kagat nito’y magmamarka
Sa balat ko’y makikita at maaalala
Na minsa’y may mga pangil na sa aki’y dumampi
Nagpabaliw sa puso kong nagtitimpi


8:30 am – 8:48 am
June 9, 2014
Pagamutang Bayan ng Malabon


            Bunga ito ng mga  paghihintay..salamat sa ballpen at papel ako’y parating nalilibang..


Maghintay Ka Muna J

Sa bawat paglalakbay ko
Iba’t-ibang tao ang nakakatabi ko
Tumingin ka man sa bawat kanto
Iba’t-iba rin naman ang makikita mo

Mayroon diyang nagaantay
Naiinip pa nga’t nagpapaypay
Meron din namang cool lang
Kahit ilang oras na ang bumilang
  
Ayun si Lolo! Ang tanda na nya oh!
Buti sinamahan ni Lola kahit pa nababato
Ang sarap naman ng pagibig nila
Damang-dama pa din kahit matatanda na

Si ate naman magisa
Nakatulala na para bang balisa
Ano kayang iniisip niya?
Sa panahong humihinto ang kanyang mata

Si kuya naman nganga
Na parang di alam ang ginagawa niya
Hindi na lang kasi magtanong
Para isip ay di na gumulong

Paano kaya kung diyos ako?
Makikita ko ang koneksyon nyo sa ibang tao
Sasabihin ko, “ O ikaw lumapit ka dito!”
Ika’y nakalaan kasi para sa taong to!

Ang paghahanap sa taong makakasabay
Ay maaaring sa simula, gitna o dulo ng paglalakbay
Pwedeng nakatulala siya tulad mo
At pwede din namang nakanganga tulad nitong kuyang katabi ko

Ang katotohana’y clueless lahat tayo
Kung may makakasabay ka nga ba sa paglalakbay mo
Ang mahalaga ay nasulit mo
Ang mga taong naghintay at tumabi sayo J

8:05 am – 8:26 am
May 24, 2014
SSS Meycauayan


Biyernes, Hunyo 13, 2014

Sila Ang Mga Namimiss ko..

Cuen-to
            Unang linggo ko sa pinagtatrabahuhang paaralan, nagpapaliwanag ako ng aming aralin ng mapansin kong may isang batang nakayuko sa kanyang mesa at natutulog pa. Inis akong nilapitan siya. Masakit kaya sa lalamunan magpaliwanag at makikita mong isa sa mga pinaliliwanagan mo ay tutulog-tulog.
            “Aba ang galing parang nasa bahay ah!” Napatagalog ako bigla kahit na English yung subject ko sa sobrang inis.
            Pupungas-pungas siyang nagsalita at nagsabing,” Eh maam di ba po ang paaralan ang pangalawang tahanan?”
            Napahinto ako ng ilang segundo. Hindi ko na napigilan natawa na ko at nawala ang inis kasabay  ng mga kaeskwela nyang kanina pa din nagpipigil ng tawa.

Lou Chabz
            “ Maam nagugutom ako.”
            Yan ang laging naririnig ko sa batang to. Nakita ko sa bulsa ko yung kending FRES na may message sa likod “You are the one” kaya ibinigay ko sa kanya at sinabing, “ Ayan ah you are the one”..sabagay dugtong ng “..who makes me happy” totoo naman kasi. Tahimik lang niyang binuksan ang kendi at kinain. Iniwan ko na siya. Wala na kong narinig na thank you, di ko na inasahan isa kasi siya sa mga pasaway na batang tinuturuan ko. Kung magpapasalamat man siya mas gusto kong kusa niyang gagawin kaysa naman inutos ko lang di maganda sa pandinig yun. Hindi heart felt kaya mas gugustuhin ko na lang na walang marinig. Tulad ng aking inaasahan pinunan niya lang ang kanyang kumakalam na sikmura at di na ko naalala.
            Ilang buwan na ang lumipas matapos ang insidenteng yun. Pumasok ako sa room nila dahil sa pangalawang pagkakataon ako na naman ang guro nila. Sinalubong ako ng nagyayabang na matabang estudyanteng ito, para bang nagpapansin na tingnan ko siya. Di din siya nakatiis at pinakita na niya yung id niya. Sabi niya, “Maam naalala mo ba to?” habang ipinapakita ang nakasuksok na balat ng kendi sa kanyang id. Hindi ko alam kung nahalata niya pero sobrang natuwa ako ng makita ko yun. Hindi man siya nagpasalamat sa araw na iyon mas higit pa sa pasasalamat ang natanggap ko. Pagpapahalaga. Masarap maramdaman ito lalo na kung ipinapakita. Mas lalo pa tuloy akong napamahal sa batang yun kahit na barumbado siya umasta.
Nalungkot ako kanina ng mabasa ko yung message niya sa fb.
 Mangiiwan.
Ang sakit naman. Nagsorry na lang ako. Gusto kong ipaliwanag ang mga dahilan ko, kaso di ko alam kung maiintidihan niya ba ako. Hindi lang naman siya nagiisa marami pang bata ang sa aki’y nagalit at nagtampo na. Gusto ko ngang sabihin na hindi lang naman ang umalis ang nangiwan. Sila din kasi iniwan. Iniwanan ng mga alaala ng mga taong minahal nila at naging parte ng buhay nila.     Nagpapasalamat na lang ako at yung iba naintindihan ako. Nakontento sa konting paliwanag ko. Balang araw maiintindihan din nila ako. Hindi rin naman sila mawawala sa puso ko.

At Your Service..
            Pagpasok ko pa lang may babati na. Nakangiti at mag-gugoodmorning pa. Sila yung mga gwardiya..mga unang taong bumabati sakin sa umaga. May madadatnan ako sa faculty yung pinakamaaga kong co-teacher dati..tas ayun kakain na kami. Sasabihin ni Kuya Paks “ Maam maling,egg, half rice? Nag hotdog, egg, half rice ka na kasi kahapon eh.” kabisado na nila ako. Sa hapon si Kuya Romy..siya yung maglilinis ng faculty..lagi kaming nagsosorry..paano puro overtime kami.  
            Hay! Bakit pa kasi nagparamdam tong mga batang to..hinahabol tuloy ako ng mga alaalang to. Kulang pa. Maraming bata ang sa aki’y nagpasaya. Kukulangin siguro kung lahat ay isusulat ko pa. Matutulog na ko mata ko’y nanghihina na.

1:05 am

June 14, 2014