Lunes, Disyembre 21, 2015


Para sa Patola, Upo at Kalabasa

Para sa patola
Na araw-araw nagpapakatanga
Para sayo ito
Na niniwala sa kanilang kwento

Patola matuto ka
Manindigan sa sarili magisa
Anu man ang sabihin nila
Wag na wag kang padadala

Para sayo upo
Parati ka na lamang bang uupo?
Matutunan mo sanang tumayo
Maglakad sa malayo

Diyan ka na lamang ba sa tabi?
At sa kahit kanino ay magpapaapi?
Hindi ganyan ang labanan
Wag kang magpaiwan

At sayo kalabasa
PArati ka na lamang bang aasa?
Aba magising ka
Baka inaantay mo'y wala na

Mata mo'y buksan na
Nang katotohana'y makita
HIndi yung lagi kang nakatanga
Oras mo'y ubos na

Para sa patola, upo at kalabasa
Panibagong taon ay parating na
Magbago ka na 
Baka mahuli ka.

December 18. 2015
9:53 pm

Damong Ligaw

Minsan may isang damo
Galit na galit akong tinabas ito
Sumunod na araw ay tumubo muli
Bakit nga ba pag usbong nito'y napapanatili

Anong klaseng damo kaya ito 
Wari damdamin ko'y niloloko
Sa tuwing aalisin ko ito sa aking landas
Mas malaki ang iniiwang butas

Hindi ba talaga ito mahalaga?
Para saan ang buhay nitong nagsusumiksik pa
Aking halama'y di makahinga
Ano ang aking gagawin sa damong nananagana?

December 5, 2015
7:20 am


Unread Pages

Nandyan ka lang naman 
Bakit pa pagtutuunan?
Di ka naman mawawala
Kaya sige tuloy ang paggawa

Kapanatagan ay nasa akin
Kaya kahit ano ay gagawin
Siguro nama'y walang mangyayari 
Kung ika'y nasa isang tabi

Akala ko'y ganun nga
Ngunit ika'y nabasa ng iba at nakita
Naunahan tuloy ako
Paano na ang aking kwento

December 5, 2015
1:29 am

Linggo, Mayo 24, 2015



Ang Pagpatay Tuwing Gabi

Pumapatay ako tuwing gabi
Pero hindi ng tulog na katabi
Pinapatay ko ang pagkabagot
Nang isip na ewan ko ba kung nalulungkot

Sinisimulan ko sa musika
Akala ko nakakalibang kahit paulit-ulit na
Bigla kang may maaalala
Ibabaling ang ginagawa sa iba

Minsan para pumatay nagdodrowing ako
Feeling ko pag gabi sketch artist ako
Tapos tatamarin dahil pangit ang nagawa
Kaya heto ako’t gumagawa ng tula

Paano ka papatay sa gabi?
Lalo na kung ang iyong sarili
Eh parang ikaw nga ang pinapatay
Ng gabing walang ingay

Subukan mong magpasagasa
Sa tahimik na kalsada baka ikaw pa ang maawa
Baka sa paghihintay ng sasakyan
Makatulog ka na lamang sa daan

Hulaan mo kung sinong magtatagumpay
Ang iyong mga matang matamlay
Ipipikit na lamang nya
Ang pagpatay ay mahihinto na

March 1, 2015
12:35 am – 01:02 am




“Double Dead”

Akala ko ba naman patay na
Eh bakit ngumingiti na naman sa tuwina
Kasi nandyan ka na naman
Napasuko na naman ako ni Superman

Hanggang kailan ba to?!?
Nakakabaliw kada minute
Dapat bang masanay sa ganitong pakiramdam
Na pagnawala’y pusoy magdaramdam

Paano kung huminto ulit?
Itong pusong nangungulit
Malamang patay na naman
Double dead walang laban

SLAC
Revisiting RPMS
March 26, 2015
8:00 am - 2:00 pm

“Shuttlecock”

Kung lilipad ako papunta sayo
Tatanggapin mo ba ang pagdating ko
Mukhang hindi naman
                                                       Sa hangin na lang maiiwan        

Minsan nga’y inaantay ako
Ngunit sa tuwina’y tinutulak papalayo
Medyo nakakapagod lang
Sa hangi’y nakalutang

Matatapos na baa ng laro?
Uuwi kayang nakayuko?
Sana’y sa susunod na laban
Iba na ang kapalaran

Oreta Sports Center
“Badminton Competition”
February 13, 2015
5:55 pm

Sabado, Abril 11, 2015


“Palakpakan”

May  palakpak na nagagalak
May iba ding nanguuyam sa paglagapak
May palakpak na masaya
May pagbati ang ngiti nya

May palakpak na wala lang
Ginagawa dahil sa utos na naiatang
May palakpak na may tuwa
Halos yakapin pa ang kapwa

Anung palakpak ang sayo?
Kuntento ka ba sa tunog nito?
Pakinggan mo…
Baka maaari pang magbago.


March 26, 2015
10:01pm